Dalawang (2) bahay ni dating Marawi City Mayor Fajad “Pre” Salic sa Camella Homes Subdivision sa Upper Balulang sa Cagayan de Oro City ang ni-raid ng mga otoridad.
Ang hakbang ay bahagi umano nang paghahanap ng mga otoridad ng dagdag na ebidensya para mapalakas ang kasong rebelyon laban kay Salic matapos ang pag-atake ng Maute group sa lungsod.
Ayon kay City Intelligence Unit Head Chief Inspector Ariel Philip Pontillas, ipinag-utos ng Korte sa CIDG Region 10 na i-raid ang dalawa pang bahay ni Salic sa nasabing lugar.
Inamin naman ni Pontillas na wala silang nakuhang dagdag na ebidensya sa raid sa mga nasabing bahay na ibang pamilya na rin ang nakatira.
Tinutunton na rin aniya ng mga otoridad ang ilan pang bahay ni Salic sa Marawi City.
Mga pamilyang may apelyidong ‘Salic’ nakakaramdam na ng takot
Nakakaramdam na ng takot ang mga pamilyang may apelyidong Salic matapos lumipat sa Cagayan de Oro mula sa Marawi City nang magsimulang mag bakbakan ang tropa ng gobyerno at Maute Group.
Kabilang dito ang pamilyang Calimama-o na ang bahay ay ni-raid ng mga tauhan ng Martial Law Special Action Group matapos mapaghinalaang nagtatago ng mga iligal sa loob ng bahay na pagmamay-ari umano ni dating Marawi City Mayor Fahad “Pre” Salic.
Sinabi ng pamilya Calimama-o na natatakot na sila sa kaliwat kanang raid operations sa mga bahay na hinihinalang pag-aari ng dating alkalde ng lungsod.
Ayon sa pamilya,pagmamay-ari ng isang kaanak nila ang nasabing bahay na nabili umano sa isang Mandi Salic.
Inamin ng pamilya na kilala nila si Salic subalit bilang isang political icon lamang.
By Judith Estrada – Larino