Nagbukas ang militar ang dalawang (2) bank account laan para sa mga donasyon sa mga pamilyang naiwan ng mga sundalong nasawi sa Marawi City.
Kaugnay nito, umapela ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa publiko na tumulong sa pagbigay ng tulong in cash o in kind sa mga pamilya ng mga nasawing sundalo.
Nanawagan ang AFP sa mga taong nagnanais na tumulong sa mga kaanak ng sundalo na magpaabot ng tulong sa pamamagitan ng account sa LBP o Land Bank of the Philippines sa ilalim ng account name na AFP Marawi Casualty na may account number na 00000552107128.
Habang isa pang account ang binuksan para naman sa mga tulong laan para sa mga evacuee na may LBP account name na Marawi IDP na may account number na 000000552107136.
Kaugnay nito ay nangako ang AFP na magiging transparent sila sa pag a-account ng mga donasyon at sinigurong makakarating ang tulong sa mga pamilyang apektado ng giyera sa Marawi.
Nalikom na donasyon ng Kamara aabot sa P13-M
Aabot sa labing tatlong (13) milyong piso ang nalikom na donasyon ng mga miyembro ng House of Representatives para sa mga pamilyang apektado ng patuloy na bakbakan sa Marawi City.
Ayon kay House Majority Leader Rodolfo Fariñas, halos dalawang daang (200) mga kongresista ang nagkaisa para mag – donate ng kanilang personal na pera para tumulong sa mga biktima ng giyera.
Nakiisa rin ang ilang opisyal sa mga probinsya tulad nina Isabela Governor Nojie Dy, Isabela Vice Governor Tony Pet Albano, Ilocos Sur Governor Ryan Singson at Laoag Board Member Ria Fariñas.
Ilalagay ang naturang halaga sa isang trust fund hanggang sa mapagpasyahan na ng Kamara kung paano ito maipapamahagi sa Marawi victims.
By Rianne Briones