Binaha ang dalawang barangay sa Cagayan De Oro City matapos ang ilang oras na pagbuhos ng ulan.
Kaagad namang inilikas ang mga residente ng mga barangay ng Cugman at Tablon dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha na umabot ng hanggang leeg at hanggang paa naman sa national highway.
Nagpalipas muna ng gabi ang mga apektadong residente sa Barangay Gym at nakituloy naman ang iba sa kanilang mga kaanak.
Humupa rin ang tubig matapos ang ilang oras na pag-ulan bagamat nakaalerto pa rin ang local authorities dahil sa yellow rainfall advisory para sa Cagayan De Oro dulot ng epekto ng low pressure area na malapit sa Samar.