Isinailalim na sa quarantine ng Department of Agriculture o D.A ang dalawang barangay sa Quezon City matapos makumpirma ang kaso ng ASF o African Swine Fever doon.
Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, naitala ang outbreak ng ASF sa barangay ng Payatas at Bagong Silang sa Quezon City.
Una nang kinumpirma ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nagpositibo sa ASF ang mga samples na kinuha sa ilang alagang baboy mula sa dalawang barangay sa lungsod.
Kasabay naman nito, muling tiniyak ni Dar na nananatiling ligtas kainin ang mga karne ng baboy na ibinebenta sa pamilihan lalo’t wala namang naidudulot na masama sa kalusugan ng mga tao ang ASF virus.
Kailangan lang aniyang siguraduhing nasuri at nabigyan ng certificate at clearance ng mga beterinaryo ang mga baboy bago ito dalhin sa mga slaughter house para katayin.