Magpapatrolya na sa buong isla ng Boracay ang dalawang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) simula sa susunod na linggo.
Ito ay kasabay ng nakatakdang pansamantalang pagpapasara sa isla para sa gagawing rehabilitasyon.
Ayon kay PCG Caticlan Chief Lt. Commander Ramil Palabrica, ide-deploy sa Boracay ang BRP Cabra at BRP Davao del Norte.
Kabilang sa tungkuling gagampanan ng Coast Guard ang mahigpit na pagbabantay sa ipatutupad na one entry one exit policy.
Tourist arrivals
Samantala, mananatili ang target na tourist arrivals ng Department of Tourism Region 6 para sa taong ito.
Sa kabila ito ayon kay DOT Region 6 Director Atty. Helen Catalbas nang nakatakdang pagpapasara sa Boracay simula sa April 26.
Tiwala si Catalbas na maaabot pa rin nila ang target na 5.5 million tourist arrivals ngayong taon para sa Western Visayas bagamat babaguhin nila ang target na tourist arrival para sa isla ng Boracay.
Kasabay nito, tiniyak ni Catalbas na magtutulungan ang ilang lalawigan para maisulong ang iba pang tourist sites sa rehiyon upang makahikayat ng turista at maabot ang target na tourist arrivals.
—-