Dalawang (2) bata ang patay habang pitong (7) iba ang sugatan sa pag-atake ng Abu Sayyaf sa mga sundalong nagsasagawa ng community support activity sa Sulu, kahapon.
Kinilala ang dalawang bata na sina Saiful Abdun, isang taong gulang at Jahida Usab, labing dalawang (12) taong gulang.
Kabilang naman sa mga nasugatan ang limang (5) sundalo at dalawang (2) sibilyan.
Ayon sa Joint Task Force (JTF) Sulu, nakikipag-usap ang mga miyembro ng 6th Special Forces Battalion sa mga residente sa lugar ng biglang dumating ang mga miyembro ng Abu Sayyaf at inatake ang sundalo.
Dahilan kaya gumanti ng putok ang militar na nagresulta sa pagkakaipit ng mga residente sa halos tatlumpung (30) minutong bakbakan.
Kaugnay nito, nanawagan si JTF Sulu Commander Brig. General Divino Rey Pabayo sa mga Tausug na makiisa sa pagkondena sa mga gawain ng Abu Sayyaf at matigil na ang walang saysay na pagkamatay ng mga inosenteng sibilyan.