Palilibutan ng mga pulis ang buong Libingan ng mga Bayani sa mismong araw ng paglilibing doon kay dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director Chief Supt. Oscar Albayalde, dalawang batalyong pulis ang ikakalat nila sa nasabing himlayan para matiyak ang seguridad doon na katumbas ng 1000 pulis.
Aabot sa 600 pulis ang manggagaling sa Metro Manila habang tig-200 pulis ang huhugutin nila sa Region 3 at Region 4-A.
Paliwang ng hepe ng NCRPO, inaasahan na kasi nila ang mga bayolenteng pagkilos ng mga susugod na raliyista sa Libingan ng mga Bayani kaya magpapatupad sila ng mahigpit na seguridad.
Magde-deploy din ang NCRPO ng mga CDM o Civil Disturbance Management team na praktisado sa pagharap sa mga demonstrador at mga pulis na mag-aayos sa daloy ng trapiko sa paligid, papasok at palabas ng Libingan.
Sinabi ng NCRPO na sisiguruhin nilang magiging maayos ang seremonya kay dating Pangulong Marcos.
By Jonathan Andal (Patrol 31)