Muling isinailalim sa extreme enhanced community quarantine (EECQ) ang mga bayan ng Agno at Bani sa Pangasinan mula ika-8 hanggang ika-13 ng Hunyo dahil sa mga positibong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batay sa Executive Order (EO) No. 35, ipinaliwanag ni Agno Mayor Gualberto Sison na dinapuan ng COVID-19 ang apat na frontliners sa kanyang bayan kasunod ng isinagawang mass testing ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO) noong ika-3 ng Hunyo.
Sa ilalim ng EECQ, bawal lumabas ng bahay ang mga residente, maliban sa mga authorized persons outside of residence (APOR), gayundin ang mga naghahatid ng mga pangunahing pangangailangan at medical emergencies.
Samantala, ayon naman kay Bani Mayor Gwen Palafox-Yamamoto, epektibo ang EECQ sa kanilang bayan mula ika-6 hanggang ika-9 ng Hunyo, makaraang tamaan ng virus ang isang pulis.