Inirekomenda ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pagsasampa ng kaso sa Department of Justice (DOJ) laban sa dalawang Bureau of Immigration (BI) dahil sa umano’y pamemeke ng travel records ni dating Wirecard Chief Operating Officer Jan Marsalek.
Kinilala ni NBI officer-in-charge director Eric Distor ang mga immigration officers na sina Perry Michael Pancho ng Mactan Cebu International Airport (MCIA) at Marcus Nicodemus ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 sa Pasay City.
Kasama sa mga inirekomendang kaso laban kina Pancho at Nicodemus ay falsification of public documents, paglabag sa code of conduct and ethical standards for public officials and employees at anti-graft and corrupt practices act.
Giit ni Distor, pinalabas nina Pancho at Nicodemus na nagkaroon ng arrival at departure records si Marsalek sa Pilipinas mula Hunyo 23 hanggang 24 sa kabila ng travel restrictions upang iligaw ang mga imbestigador na humahabol sa suspek sa Europa.