Isinailalim na sa preventive suspension ang dalawang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na sangkot sa pagkawala ng mahigit 23,000 sako ng smuggled rice sa Zamboanga City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, inalis na sa puwesto ni Customs Commissioner Isidro Lapeña sina Zamboanga City District Collector Lyceo Martirez at Customs Police District Commander Filomeno Salzar.
Ito ay alinsunod na rin aniya sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng isinagawang imbestigasyon sa maga nawawalang sako ng smuggled rice.
Sinabi pa ni Roque, sobrang ikinagalit ni Pangulong Duterte nang makarating sa kanya ang ulat hinggil sa mga nawawalang nasabat na smuggled na bigas.
Una nang inihayag ng Philippine Coast Guard (PCG) na dumaan sa imbentaryo at dokumentado ang mga nasabat na bigas mula sa tatlong bangka sa barangay Baliwasan noong Setyembre 22 bago ito nai-turned over sa BOC.
“Nagalit po talaga nag presidente because how do you lose 23,000 sacks I mean it’s incredible of his lead. Obviously, it cannot be done in a clandestine manner. Nakita ng lahat na inilalabas itong mga nahuling bigas at incredible at kagalit-galit na napupuslit ang ganitong karaming bigas na nahuli na ng gobyerno na being smuggled.” Pahayag ni Roque.
—-