Patay ang dalawang carnapper matapos makipagbarilan sa mga pulis sa barangay Batasan Hills, Quezon City.
Ayon sa Quezon City Police, humingi ng tulong ang biktima na si Cris Apostol matapos nakawin ng mga hindi pinangalanang suspek ang kaniyang motorsiklo.
Salaysay ng biktima, hinatid niya pauwi ang kanyang kaibigan nang bigla siyang tutukan ng baril ng mga suspek at doon na rin tinangay ng isa sa mga lalaki ang kaniyang motorsiklo.
Nakatakas ang isa sa mga suspects sa gitna ng operasyon habang nakipagpalitan naman ng putok ang dalawa sa kaniyang mga kasamahan na ikinasawi ng mga ito.
Narekober naman sa mga suspek ang dalawang kalibre .38 na revolver at ang motorsiklo na kanilang ninakaw.—sa panulat ni Mara Valle