Arestado ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP – AKG) ang dalawang Chinese national na nasa likod ng pagdukot sa isang Taiwanese nuong Disyembre 29 ng nakalipas na taon.
Kinilala ni PNP akg Luzon Field Unit Chief P/Col. Villaflor banawagan ang mga suspek na Sina Lu Cheng at Xie Long Hui na naaresto sa kanilang hideout sa Brgy. Tuclong 2B sa bayan ng Imus.
Ayon kay banawagan, natunton ang hideout ng mga suspek kung saan itinatago ang biktimang Taiwanese dahil sa tip na natanggap nila mula sa Taiwan Economic and Cultural Office (TECO) na nakabase sa Maynila.
Una rito, nagpasaklolo ang biktima gamit ang Facebook at ini-ulat nito sa kaniyang ina na sinasaktan siya ng mga kidnapper na una na ring humihingi ng P9 milyong ransom mula sa pamilya nito.
Dahilan upang agad magkasa ng operasyon ang mga tauhan ng PNP-AKG na nagresulta naman sa matagumpay na pagsagip sa biktima.
Sa kulungan sinalubong ng dalawang Tsino ang bagong taon na nahaharap sa kasong serious illegal detention at kidnapping for ransom.