Dalawang chinese na sangkot sa pagdukot sa kanilang kapwa tsino ang natimbog ng mga otoridad sa Mandaue City, Cebu.
Kinilala ang mga suspek na sina Lin Tuanjie, 50 anyos, residente ng Aldea Del Sol Subdivision sa Barangay Bankal at Ji Chenglong, 33- anyos, ng Bestwater Subdivision, Barangay Marigondon.
Inaresto sina Lin at Ji sa bisa ng warrants na inilabas ni Judge Annie Marie Militante ng Regional Trial Court 7 Branch 53 ng Lapu-Lapu City sa mga kasong Kidnapping at Serious Illegal Detention.
Nasakote ng Anti-Kidnapping Group Visayas Field Unit sa pangunguna ni Lt. Zozimo Ravanes Jr., si Lin sa restaurant nito sa Sitio Soong 1, Barangay Mactan habang dinampot si Ji hindi kalayuan sa Lapu-Lapu City.
Ang mga naturang dayuhan ang itinuturong kasabwat ng apat na iba pang tsino na napatay sa isang police operation upang mailigtas ang chinese businessman na si Lyu Xingou, sa Barangay Lahug, Lapu-Lapu City noong Mayo a-30.