Arestado ng mga otoridad ang dalawang chinese na suspek sa pagdukot at pang to-torture sa kapwa nila Chinese kapalit ng ransom.
Ayon sa mga otoridad, ang dalawang suspek na tsino ay miyembro umano ng kidnap for ransom group sa Parañaque City.
Base sa video na nakuha ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation – National Capital Region (NBI-NCR), makikitang naliligo sa dugo ang biktima matapos pagpapaluin ng mga suspek.
Agad na sinalakay ng mga operatiba ang hide-out ng grupo sa nasabing lungsod at dito nadakip ang dalawang chinese at narekober ang dalawang baril, isang long firearm, assorted na mga bala at mga posas.
Sa pahayag ni regional director ng NBI-NCR Jun Dongallo, modus na ng mga Chinese national na magpunta sa Pilipinas para magkunwaring legitimate na loan companies kung saan, magbibigay sila agad ng pera na walang collateral pero kapag na-default ka sa payment ay saka ka nila ikukulong at sasaktan para mapilitang makapagbayad.
Nahaharap ngayon sa reklamong kidnapping with serious illegal detention at illegal possession of firearms ang mga suspek.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang mga otoridad para matukoy ang iba pang kasabwat ng mga ito. —sa panulat ni Angelica Doctolero