Aabot sa 3kg ng shabu ang nasabat ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA matapos ang ikinasang buy-bust operations sa Quezon City.
Katuwang ng PDEA ang iba’t ibang law enforcement agencies tulad ng PNP Drug Enforcement Group o PDEG, Armed Forces of the Philippines o AFP at National Intelligence Coordinating Agency o NICA.
Sinalakay ng mga awtoridad ang silid ng isang hotel sa bahagi ng E. Rodriguez kung saan naaresto ang 2 Chinese nationals na sina Shiliang Zeng at Jack Lee.
Ayon kay PDEA Intelligence Service Director Adrian Alvarino, maliban sa 3kg ng shabu na nagkakahalaga ng P20.4-M, nakumpiska rin ang 2 cellphone, driver’s license, samu’t saring dokumento at boodle money na ginamit sa operasyon.
Dagdag pa ni Alvarino, konektado ito sa nauna nilang operasyon sa Brgy. Karuhatan, Valenzuela City nuong Martes kung saan, kasapi ang mga naaresto ng “The Company Group” na humahango ng droga mula sa Golden Triad.
Kasalukuyang humihimas na ng rehas ang 2 naaresto habang kakasuhan sila ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)