Tinutugis na ang dalawang (2) Chinese national na itinuturong operator ng natagpuang abandonadong shabu lab sa Cainta Rizal.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni Cainta PNP Chief Police Superintendent Elpidio Ramirez na tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng mga suspek bagaman hindi pa nila maaaring pangalanan ang mga ito.
“May pangalan na tayo, patuloy po ang ating investigation na isinasagawa. Hawak natin yung legal agreement nila sa pag-renta and other documents, sana masundan pa natin ito.” Ani Ramirez
Dagdag ni Ramirez, hihilingin nila ang tulong ng Department of Justice (DOJ) para makapagpalabas ng hold departure order laban sa mga suspek.
“Titignan natin sa Bureau of Immigration kung may record sila doon, magkakaroon tayo ng backtracking dahil meron naman tayong mga CCTV sa subdivision, yan na po ang tututukan natin.” Pahayag ni Ramirez
Binigyang diin ni Ramirez na malaki ang naitulong ng magandang kooperasyon ng mga home owner sa nasabing subdivision sa mga awtoridad para madiskubre ang shabu lab.
“Nung nakita nila yung kakaibang kilos ng tao at aktibidad sa loob ng village ay nakipag-koordinasyon agad sa atin. Yung may-ari ng bahay ay nagbigay naman ng full cooperation sa ating imbestigasyon.”
Matatandaang kagabi ay sinalakay ng pinagsanib na puwersa ng PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency, PNP at SWAT ang isang bahay na ginawang shabu lab sa Vista Verde Executive Village sa Cainta Rizal.
Tumambad sa mga awtoridad ang iba’t ibang kemikal, makina at iba pang aparato na ginagamit sa paggawa ng shabu na ayon sa PDEA ay kayang makagawa ang mga natagpuang aparato ng limampu (50) hanggang sa isang daang (100) kilong shabu sa isang linggo na nagkakahalaga ng halos 250 milyong piso.
By Krista de Dios | Ratsada Balita (Interview) | AR