Dalawang dam sa Luzon ang nagpakawala ng tubig nitong Linggo sa gitna ng patuloy na pag-ulang dulot ng Southwest monsoon o Habagat.
Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), bandang alas-2:00 kahapon nang buksan ang flood gate sa Magat Dam sa Isabela, kung saan 200 cubic meters per second ng tubig ang pinakawalan.
Ito ay upang mapanatili ang ligtas na water level sa naturang dam.
Sa datos ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), nasa 188.75 meters ang water level sa magat dam kahapon, kung saan 1.25 meters na lang ang layo nito sa normal high-water level na 190 meters.
Samantala, nagpakawala rin ng tubig sa Bustos Dam sa Bulacan, bunsod pa rin nang malakas na pag-ulan.
Pinapayuhan ang mga residente na iwasan munang tumawid sa mga ilog dahil sa posibleng biglaang pagtaas ng lebel ng tubig.