Hinatulang makulong ng anim hanggang walong taon ng sandiganbayan ang dalawang dating opisyal ng Department of Agriculture dahil sa pagbili ng overpriced liquid fertilizer.
Sa limampu’t anim na pahinang desisyon ng Anti-Graft Court noong December 2, guilty sa kasong graft sina dating Regional Executive Director Oscar Parawan at chief Accountant Maria Perlice Julian, mula sa DA Region 9.
Kaugnay ito sa pagbili ng mga overpriced liquid fertilizer na bahagi ng P728 million fertilizer fund scam.
Kinonvict ang dalawa sa pag-otorisa sa pag-transfer ng P5 million public funds sa non-government entity na masaganang ani para sa Magsasaka Foundation Incorporated (MAMFI) nang walang public bidding.
Ayon sa Korte, hinugot ang 5 million mula sa Priority Development Assistance Fund ni dating zamboanga Del Sur Representative Isidoro Real Jr, na kabilang din sa mga akusado pero inabswelto matapos pumanaw nitong Pebrero a-uno.
Mismong si Parawan ang pumasok sa memorandum of agreement sa MAMFI batay sa request ni real habang si Julian ang lumagda ng disbursement vouchers para i-release ang pondo.
Nag-ugat ang kaso sa pagsasabwatan nina Parawan, Julian at apat na iba pang kapwa akusado na bumili ng liquid fertilizers sa presyong P800 per 300 m.l. bottle, kumpara sa talagang presyo nitong P190 lamang.