Kinumpirma ng Department of Health o DOH ang pagsasampa ng kaso sa Ombudsman laban kina dating Health Secretary Janette Garin at dating PhilHealth President Alex Padilla.
Ayon kay Dr. Ish Pargas, OIC-Senior Vice President ng PhilHealth, nag-ugat ang kaso sa diversion ng mahigit sa sampung (10) bilyong pisong pondo noong December 2015 na para sana sa mga senior citizens.
Sinabi ni Pargas na hindi dumaan sa tamang proseso ang ginawang paglilipat ng pondo nina Garin at Padilla.
“Hindi ito dumaan sa tamang proseso sapagkat hindi po ito nalaman ng aming mga taga-board, wala pong awtorisasyon na mula sa board of directors ng PhilHealth para maibigay, o mailipat o mai-wave itong halagang ito. So doon sa pagkakataon na ‘yun ang aming board of directors ay inutusan ang management na magsampa kami ng kaso.” Pahayag ni Pargas
Matatandaang sa pagdinig ng Joint Congressional Oversight Committee, sinabi ni Ruben John Basa, Executive Vice President and Chief Operating Officer ng PhilHealth na inilipat nina dating Health Secretary Janette Garin at dating PhilHealth President Atty. Alex Padila ang naturang pondo na nakalaan sana para sa senior citizen tungo sa DOH.
Ito umano ay gagamitin para sa pagpapatayo ng rural health centers.
Ngunit sinabi ni Basa na walang valid na waiver ang naturang paglilipat ng pondo.
Si Garin na nanungkulan bilang kalihim ng DOH ay nagsilbi ring Chairman ng PhilHealth Board.
(Balitang Todong Lakas Interview)