Pinag-aaralan ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA ang posibilidad ng pagpapalawig sa number coding scheme upang mabawasan ang volume ng mga pribadong sasakyan sa mga pangunahing kalsada.
Ayon kay MMDA Chairman Danny Lim, dapat mabawasan ang dami ng mga sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila dalawang beses kada linggo.
Ipinunto ng MMDA na mayroong 2.6 na milyong sasakyan sa Metro Manila at sa oras na magsabay-sabay ang mga ito sa mga kalsadang tulad ng EDSA ay tiyak na magdudulot ito ng napakatinding daloy ng trapiko.
Aminado si Lim na hindi naman maaaring makompromiso ang public transport system sa pinalawig na number coding scheme dahil magkakaroon ito ng malaking epekto sa mga commuter.
Gayunman nilinaw ni Lim na pinalulutang pa lamang nila ang ideya ng dalawang beses kada isang linggong number coding.
Aniya, sa media niya unang inilatag ang ideya ng 2-day number coding scheme upang mapag-usapan at malaman nila ang pulso ng publiko.
Sa ilalim ng nais na ilatag na panukala ni lim, bawal tuwing Lunes ang mga may plakang nagtatapos sa mga numerong 1,2,3 at 4, bawal kapag Martes ang 5,6,7,8, Miyerkoles, 9,0,1,2, Huwebes,3,4,5,6 at 7,8,9,0 tuwing Biyernes.
Muling binigyang diin ni Lim na tatlumpung (30) porsyento ng mga sasakyan sa buong bansa ay nasa Metro Manila samantalang hindi naman nadadagdagan ang lawak at bilang ng mga kalsada kayat masikip ang daloy ng trapiko.
“Kaya fino-float natin ang idea para mapag-usapan dahil talagang malala ang sitwasyon ng traffic natin, kaya nga gusto kong pag-usapan yan dahil napakaraming punto ang lumalabas, marami rin ang nagsasabi na kahit ipatupad mo yan ay bibili lang ng dagdag na sasakyan ang ilang kababayan natin na may kakayahan so tinitignan po natin lahat ng anggulo, perspektibo kung saan nanggagaling, bottom line is i-float natin ang idea, pag-usapan natin.” Pahayag ni Lim
By Drew Nacino | Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)
2-day number coding scheme pinag-aaralan was last modified: June 28th, 2017 by DWIZ 882