Pinalalayas ni Venezuelan President Nicolas Maduro ang dalawang mataas na diplomat ng Estados Unidos na nakatalaga sa kanilang bansa.
Ang pasiya ni Maduro ay bilang ganti naman sa ipinataw na economic sanction ni US President Donald Trump sa Venezuela dahil sa umano’y dayaan sa katatapos pa lamang na election sa nasabing bansa.
Iginiit ni Maduro, walang parusa o anumang pagsasabwatan ng iba’t ibang bansa ang makapipigil sa Venezuela.
Una rito, kapwa kinondena ng Estados Unidos, European Union at iba pang mga bansa sa Latin America ang muling pagkakapanalo ni Maduro bilang Presidente ng Venezuela dahil sa mga anila’y paglabag nito sa ginanap na eleksyon.
—-