Arestado sa entrapment operation ng Caloocan City Police ang dalawang empleyado ng Bureau of Internal Revenue at kanilang dalawang kasabwat dahil sa umano’y pangongotong sa isang negosyante.
Kinilala ang mga suspek na sina April Claudine Dela Cruz, 30 anyos, data controller 2 sa assessment division ng BIR District 5 Caloocan at residente ng Garden Village, Sta Maria, Bulacan; Joyet Alvero, singkwenta’y singko anyos, Admin Assistance Officer Ng B.I.R. District 5, residente ng Concepcion, Malabon City; Jennifer Roldan, kwarenta’y nwebe anyos, freelance liasson officer ng Bambang, Taguig City at Ariel Roble, kwarenta’y sais anyos, freelance book keeper ng Sampaloc, Maynila.
Ayon kay Caloocan Police Chief Col. Ruben Lacuesta, nadakip ang apat ng pinagsanib na pwersa ng Caloocan Police-Intelligence section at PNP Intelligence Group matapos tanggapin ang P1.8 million marked money sa isinagawang entrapment sa barangay 132 Bagong Barrio.
Bago ang entrapment operation, sinabihan ng mga suspek ang may-ari ng isang panel board fabrication sa barangay Potrero, Malabon City na mayroon siyang tax liability na nagkakahalaga ng P13 million.
Mababawasan lang umano ang tax liability kung makapagbabayad ang negosyante ng P4.5 million hanggang magkaayos at magkatawaran sila sa P3 million.
Nahaharap ang apat sa kasong robbery extortion at paglabag sa code of ethical standards for public officials and employees.