Inaresto ng mga tauhan ng Parañaque Police Station ang dalawang fixer na sinasabing empleyado ng Emission Testing Center sa lugar.
Ayon sa mga awtoridad, nag-aalok ng “surepass” sa mga nag-iinquire na mga aplikante ang dalawang inaresto para sa renewal ng vehicle registration sa Land Transportation Office.
Dito na nagkasa ng entrapment operation ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) laban sa mga babaeng suspek matapos silang makatanggap ng impormasyon ukol sa umano’y ilegal na gawain ng dalawa.
Nakumpiska sa dalawang suspek ang nasa 205 na mga processed motor vehicle registration renewal, 15 insurance policy, at 46 official receipts na sinasabing authentic o totoong resibo ng LTO.
Sa ngayon, iniimbestigahan na ng ahensiya ang naturang emission testing center kasabay ng paghahain ng show-cause order sa pinuno ng LTO Parañaque para magpaliwanag ukol sa nangyari. —sa panulat ni Angelica Doctolero