Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagsasampa ng kasong plunder, direct bribery at katiwalian laban kina dating Bureau of Immigration o BI Deputy Commissioners Al Argosino at Michael Robles.
Kaugnay ito ng tinaguriang 50 million pesos extortion scandal sa Bureau of Immigration matapos na mahuli ang mga Chinese nationals na iligal na nagtatrabaho sa Clark.
Sa 31 pahinang committee report ng Blue Ribbon, inirekomenda rin ang pagsasampa ng kasong direct bribery laban kay dating Immigration Intelligence Chief Carlos Calima dahil nakihati umano ito sa pera.
Pinakakasuhan naman ng corruption of public officials ang umano’y bagman ni Jack Lam at dating pulis na si Wally Sombero.
Habang pinaiimbestigahan pa ng Senado si Lam na nakalabas ng bansa ilang araw matapos mahuli ang mga iligal na nagtatrabahong Chinese sa kanyang kumpanya sa Clark.
Samantala, pinagpapaliwanag naman ng Senado si Justice Secretary Vitaliano Aguirre sa pakikipagkita nito kay Sombero at Lam na inalok pang mag-ninong dito sa kabila ng usapin sa nahuling mga illegal workers.
(Ulat ni Cely Bueno)