Dalawa pang Filipino nurses sa London at New York City ang nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ang Pinay nurse sa London na si Amor Padilla Gatinao, 50 anyos ay unang nakaramdam ng mga sintomas ng respiratory disease nitong nakalipas na Marso 22.
Ayon kay Mario Gatinao asawa ng Pinay nurse tumawag sila ng ambulansya makalipas ang dalawang araw dahil sa mataas na lagnat at sakit ng ulo ng kaniyang asawa subalit pinayuhang manatili lamang sa bahay at uminom ng paracetamol dahil hindi nila ito madadala sa ospital at tanging ang trabaho ng ambulansya ay magdala ng pasyente na nangangailangan ng emergency care
Nabatid na ang Pinay na isang clinical nurse assessor sa Hammersmith and Fulham Clinical Commissioning Group ay patuloy pa ring nilagnat ng sumunod na dalawang araw pa kayat isinugod na ng kaniyang asawa sa St. Mary’s Hospital sa Paddington kung saan siya na confine.
Nilagyan ng tube ang Pinay nurse at nasa induced coma nuong Marso 30 para mawala ang sakit na nararamdaman nito at hirap sa paghinga gayundin ay para mabilis na mabigyan ito ng gamot subalit nitong Biyernes Santo ay bumigay na rin si Gatinao na 19 na taon nang nurse.
Plano ng pamilya ng Pinay nurse na dalhin ang kaniyang mga abo sa kanilang hometown sa Jaro, Iloilo City.
Samantala nasawi rin dahil sa COVID-19 ang Pinoy nurse sa New York na si Dennis Guillermo, 44 na taong gulang at nagta- trabaho bilang frontliner sa long island community hospital
Ipinabatid ng asawa ni Guillermo na si Romielyn na 13 araw na lumaban ang Pinoy nurse sa COVID-19 bago ito tuluyang nagapi ng virus.
Maaari aniyang nakuha ng kaniyang asawa ang virus sa ospital dahil sa kakulangan ng personal protective equipment (PPE).
Una nang nag negatibo sa COVID-19 ang Pinoy nurse subalit nag positibo na ito sa nasabing virus nang bumalik sa ospital taglay ang mga matitinding sintomas.