Dalawa ang patay sa engkuwentro kasunod ng ikinasang entrapment operations ng Philippine National Police – Anti Kidnapping Group (PNP-AKG) sa Quezon City kagabi.
Kinilala ni PNP AKG Director P/BGen. Jonnel Estomo ang isa sa mga napatay na si Jhonny Radaza at isang hindi pa nakilalang kasama nito.
Nabatid na sangkot ang dalawa sa pagbebenta ng iligal na armas kaya’t isinailalim ang mga ito sa entrapment operations.
Ikinasa ang operasyon sa Eagle Street, Sitio Veterans, Brgy. Bagong Barrio nang positibong tanggapin ng dalawang suspek ang perang nagkakahalaga ng P20,000 kapalit ng kalibre 45 baril.
Dahil nakatunog ang mga suspek na pulis ang kanilang transaksyon, agad nagpaputok ang mga ito dahilan upang mauwi isa engkuwentro ang nasabing operasyon.
Si Radaza at kasama nito ay sinasabing kabilang sa Waray-Waray group na sangkot sa serye ng pagnanakaw at kidnapping sa Metro Manila at CALABARZON na lumipat na sa gun running activities.