Pinasasampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) makaraang masangkot sa pamemeke ng travel records ng isang Austrian national na mayroong criminal records.
Kinilala ng mga awtoridad ang dalawang Immigration officers bilang sina Perry Pancho na nakatalaga sa Mactan sa Cebu International Airport at si Marcus Nicodemus na nakadestino naman sa NAIA Terminal 1.
Batay sa ilang ulat, nahaharap sa wire card fraud sa Germany ang dayuhang dumating noong ika-23 ng Hunyo.
Kasunod nito, sa paunang imbestigasyon, narekober ang pinekeng travel records na may pekeng petsa ng pagbiyahe ng dayuhan.
Lumalabas kasi na umalis ito ng Mactan Airport noong ika-24 ng Hunyo, na panahong walang available flights sa paliparan.
Dahil dito, nahaharap sa falsification of public documents by a public official ang dalawang Immigration officers at ibang kaukulang kaso.