Naniniwala si Solicitor General Jose Calida na bahagi ng destabilisasyon laban sa Duterte administration ang dalawang petisyong inihain sa Korte Suprema na kumukwestyon sa legalidad ng war on drugs ng Philippine National Police o PNP.
Ito ang naging bahagi ng opening statement ni Calida sa ikalawang araw ng oral arguments sa Supreme Court (SC) ngayong Martes.
Ayon sa SolGen, layunin din ng dalawang petisyon na hayaang manaig ang anarkiya sa bansa.
Ipinaliwanag ni Calida na sa ilalim ng Almora Petition, hiniling nito na pagbawalan ng SC ang PNP sa pagpapatupad ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa anti – illegal drugs campaign.
Samakatuwid aniya, nais umano ng mga petitioner na suwayin ng PNP at Department of Interior and Local Government o DILG ang Pangulo.
At, pigilan aniya ang pambansang pulisya sa pagganap ng sinumpaan nitong mandato na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan.
Gayunman, inihayag ni Calida na hindi dapat payagan ng Korte Suprema ang hirit ng mga petitioner dahil magdudulot ito ng malaking epekto sa katatagan at seguridad ng bansa.