Kinumpirma ni Philippine National Police o PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar na mga pulis nga ang dalawang tinagurian niyang ‘kamote rider’ na tampok sa isang video na nagviral sa social media.
Kinilala ni Eleazar ang mga ito na sina P/CMSgt. Israel Bondoc at P/MSgt. Manuel Tolentino na pawang nakatalaga sa Police Regional Office 3 o Central Luzon PNP.
Dahil dito, agad ipinag-utos ni Eleazar kay PRO 3 Director P/BGen. Valeriano De Leon gayundin sa Highway Patrol Group na magkasa ng masusing imbestigasyon laban sa dalawa bilang bahagi ng pagdidisiplina sa kanila.
Makikita sa viral video ang peligrosong stunts na ginagawa ng dalawang pulis na sakay ng kanilang motorsiklo na ayon sa mga netizen ay pagpapakita ng pagiging iresponsable at tahasang paglabag sa batas trapiko at road safety.
Pagtitiyak ng PNP Chief na may kalalagyan ang dalawang kamoteng pulis rider sabay babala sa iba pang mga pulis na magsilbing aral ito sa lahat na hindi sila dapat lumalabag sa batas dahil sila ang nagpapatupad nito.— ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)