Dalawang kandidato para sa iniwang puwesto ni dating associate justice at retired supreme court chief justice Teresita Leonardo-De Castro ang sumalang sa public interview ng JBC o Judicial and Bar Council.
Unang sumalang si Atty Rita Linda Jimeno, 66 na taong gulang at vice dean ng Centro Escolar University College of Law.
Sinabi ni Jimeno na gagamitin niya ang kaniyang natutunan sa mahabang panahon bilang private practitioner at dean ng college of law sakaling mapiling chief justice bagama’t wala siyang karanasan bilang hukom maging sa paggawa ng desisyon at pagsasagawa ng trial.
Subalit inihayag ni Atty. Milagros Fernand Cayosa, miyembro ng JBC na batay sa JBC rule, posibleng ma disqualify kaagad si Jimeno dahil may kinakaharap itong kaso noong isang taon na hindi pa nade desisyunan.
Isinalang din sa public interview ng JBC si Sandiganbayan Associate Justice Alex Quiroz at natanong ito hinggil sa kahalagahan ng SALN.
Ayon kay Quiroz, mahalaga ang SALN dahil dito makikita ang katauhan ng isang public servant at ipinagmamalaki rin niya ang mismong paghahanda niya sa kaniyang SALN.
Binigyang diin pa ni Quiroz na luma na ang akusasyon ng isang Luis Martires na pagiging habitual drunkard niya na matagal ng isyu at matagal na siyang nakatutok sa kaniyang trabaho, simbahan at kaniyang pamilya.
Una na ring inireklamo ni Martires si Justice Quiroz noong nag a apply pa ang mahistrado sa Sandiganbayan.