Isa na namang pagsabog ang naganap sa Mindanao ilang araw lamang matapos ang kambal na pagsabog sa Jolo cathedral.
Pinasabugan ang isang mosque sa Zambonga City kaninang pasado alas-12:00 ng madaling araw.
Ayon kay Philippine National Police o PNP Region 9 Director Police Supt. Manuel Licup, dalawa ang patay habang anim ang sugatan sa pagsabog ng isang granada sa Logoy Diutay, Barangay Talon – Talon.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Sattal Bato 47-anyos at Rex Habil 46-anyos.
Agad namang isinugod ang mga sugatan sa Zamboanga City Medical Center.
Samantala, pinangangambahan ang pasiklab ng labanan sa pagitan ng mga Muslim at mga hindi Muslim sa Zamboanga City.
Kasunod ito ng pagpapasabog ng granada sa isang mosque sa nasabing syudad kung saan dalawa ang nasawi habang apat na iba pa ang sugatan.
Ayon kay Chief Supt. Emmanuel Licup, hepe ng PNP Region 9, nagpadala na siya ng dagdag na puwersa sa Zamboanga City upang mapigilan ang pagsiklab ng tensyon.
Aminado si Licup na isa sa puntirya ng kanilang imbestigasyon ang iringan sa pagitan ng mga Muslim at non-Muslim sa Zamboanga City.
Kahalintulad anya ito ng shooting incident noon sa syudad kung saan marami ang nasawi.
Napag-alamang ang mga biktima ng pagpapasabog sa mosque ay mga Muslim religious leaders mula sa Basilan at karatig na lalawigan.—By Len Aguirre
—-