Sugatan ang dalawa katao sa Iloilo City matapos maminsala ang isang buhawi.
Kinilala ng Arevalo Police Station ang mga nasugatan na sina Vilma Villarete, 63- anyos at apo nitong 9- anyos.
Nasugatan ang dalawa matapos matumbahan ng puno ang kanilang tahanan sa Barangay Sta. Cruz sa Arevalo, Iloilo City dakong alas-5 kaninang madaling araw.
Gawa umano sa light materials ang tahanan ng mga biktima kung saan naganap ang buhawi nang sila ay natutulog.
Agad namang isinugod sa ospital ang bata habang minor scratches ang tinamo ni Lola Vilma.
Sa ngayon, batay sa pinakahuling datos ng Iloilo City Operation Center, pumalo na sa 18 bahay sa Distrito ng Arevalo ang napinsala dahil sa buhawi, labing-isa sa Barangay Sta. Cruz habang 7 sa Barangay Sto. Dominggo.
Patuloy naman ang clearing operations ng City Disaster Risk Reduction Management Office sa tatlong barangay.