Hawak na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang suspek sa pagbebenta ng ecstasy sa Close Up Forever Summer Party na ginanap sa Pasay City kamakailan.
Ayon sa NBI, naaresto ang suspek sa Remington Hotel sa Pasay kaninang madaling araw ng Anti – Illegal Drugs Group na pinamumunuan ni Atty. Joel Tubera.
Sinabi ng NBI na kanila nang isinasailalim na interogasyon ang suspek na ayaw munang tukuyin ang pagkakakilanlan.
Nitong nakaraang weekend ay 5 ang nasawi at maraming iba pa ang isinugod sa ospital matapos himatayin sa party.
Autopsy report
Samantala, ayaw pang ilabas ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng autopsy sa labi ng 5 nasawi sa rave concert sa Pasay City noong weekend.
Ito ayon kay Dr. Rommel Papa, Forensic Investigation Service Chief ng NBI ay dahil kailangan pang dumaan sa confirmatory test ang initial data bago ito isapubliko.
Nakapagbigay na kapwa ng salaysay sa NBI ang event organizer at mga kinatawan ng security ng MOA hinggil sa insidente.
By Katrina Valle | Judith Larino | Aya Yupangco (Patrol 5)