Arestado ang 2 babaeng Thai nationals na galing ng Maynila dahil sa umano’y tangkang pagpupuslit ng mahigit 2 kilong cocaine sa Krabi Airport sa Thailand.
Sa ulat ng Bangkok Post, nakilala ang mga suspek na sina Siriwan Yodteerak, 32, at Aaew Wijit, 34, na kasalukuyang nakadetine sa Customs Department sa Bangkok.
Ayon kay Wichak Apiraknanchai, Head ng Customs investigative unit, umalis ng Maynila si Siriwan sakay ng Air Asia flight bago lumipat ng ibang eroplano sa Kuala Lumpur at dumating sa Krabi, alas-7:30 ng umaga noong Sabado.
Subalit, sinasabing dumating ang kanyang maleta sa hiwalay na flight sa kaparehong oras.
Matapos isailalim sa x-ray scan ay nakita sa isang secret compartment ng bagahe ang itim na plastic bag na naglalaman ng umano’y 2.6 kilograms na cocaine at tinatayang nagkakahalaga ng 10.4 million baht.
Agad na dinampot ng mga otoridad si Siriwan nang tangkaing kunin ang maleta at ito rin ang naging daan para madakip si Wijit sa isang hotel sa Krabi.
Inamin ni Siriwan na binayaran siya ng 60,000 baht ng umano’y boypren ni Wijit na isang African kapalit ng pag-smuggle ng droga mula sa Pilipinas patungong Thailand.
Tinutunton pa ng mga pulis ang posibleng kinaroroonan ng nobyo ng isa pang nahuling suspek.
MIAA
Samantala, pinabubusisi na umano ng Manila International Airport Authority o MIAA ang mga kuha sa CCTV ng araw na umalis ang dalawang Thailand nationals na sinasabing sumakay ng eroplano patungong Thailand mula sa Maynila.
Matatandaang nahuli sina Siriwan Yodteerak at Aaew Wijit ng Customs department bunsod ng pagkakasangkot sa tangkang pag-smuggle ng 2.6 kilos ng cocaine.
Ayon kay Terminal 3 Manager Octavio Lina, nakarating na sa kanila ang impormasyon hinggil sa pagkakaaresto ng mga naturang suspek kaya’t aalamin pa umano kung paano nakalusot ang mga ito sa paliparan.
By Jelbert Perdez | Raoul Esperas (Patrol 45)