Dalawa pang Congressman ang pinakakasuhan na ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan.
Dalawang kaso ng Malversation of Public Funds at dalawang kaso ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isasampa laban kay Nueva Ecija 4th District Congressman Rodolfo Antonino.
Kasama rin sa pinakakasuhan si Cong. Arthur Yap bilang dating kalihim ng Department of Agriculture na siyang nagpatupad ng mga proyektong pinondohan ng PDAF o Priority Development Assistance Fund ni Antonino.
Lumabas sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman na nagpondo si Antonino ng mahigit sa 14 na milyong piso para sa kanyang livelihood training kits subalit lumalabas na walang natanggap na ganitong proyekto ang mga local officials sa 4th District ng Nueva Ecija.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, lumalabas na nagsabwatan sina Antonino, Yap at iba pang akusado upang gumawa ng pekeng report at liquidation reports upang palabasing naipatupad ang proyekto.
Maliban kina Antonino at Yap, pinakakasuhan rin sina Alan Javellana, Rhodora Mendoza, Encarnita Cristina Munsod, Maria Niniez Guanizo ng National Agri Business Corporation o NABCOR gayundin sina Marilou Antonio ng Buhay Mo Mahal Ko Foundation Inc. at Carmelita Barredo ng CC Barredo Publishing House.
By Len Aguirre | Jill Resontoc (Patrol 7)