Nadagdagan pa ang kaso ng 2019 coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas.
Ito ay makaraang kumpirmahin mismo ng Department of Health (DOH) ang dalawang karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa, dahilan para sumampa na sa lima ang kabuuang kaso ng naturang sakit.
Ayon kay DOH secretary Francisco Duque III, isa sa dalawang naturang kaso ay isang 48-taong gulang na Pinoy at may travel history o nagtungo sa Japan.
Umuwi aniya ito sa bansa noong ika-25 ng Pebrero at nagsimulang makaranas ng lagnat noong ika-3 ng Marso.
Agad naman aniya itong nagpakonsulta sa doktor kung saan kinuhanan ito ng sample para sa pagsusuri.
Ika-5 ng Marso nang makumpirma itong positibo sa COVID-19.
Samantala, isang 62-taong gulang na Pinoy din mula sa San Juan City ang panglimang kaso ng virus.
Ayon kay Duque, wala itong anumang travel history sa ibang bansa ngunit madalas umanong bumisita sa Muslim prayer hall at mayroon ding hypertension at diabetes.
Ika-1 naman ng Marso nang magpakonsulta ito sa doktor at na-admit dahil sa severe pneumonia.
Ika-4 naman nang Marso nang kuhanan ng sample ang naturang pasyente at nakumpirmang positibo sa COVID-19 kinabukasan, ika-5 ng Marso.
Kasalukuyan namang naka-admit ang dalawang nagpositibo sa COVID-19 sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) sa Muntinlupa.
Dagdag pa ng DOH, ang 48-taong gulang na pasyente na isa ring abogado ay nasa stable na kondisyon, habang ang 62-taong gulang na pasyente naman ay nakararanas ng severe pneumonia.
Magugunitang tatlo na ang naunang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas at lahat ng mga ito ay mga turista na nanggaling sa China —dalawa sa mga ito ay naka-recover at ang isa ay nasawi.