Dalawa na ang kumpirmadong nasawi bunsod ng misteryosong virus na tumama sa China at dalawa pang bansa sa Asya.
Ayon sa Wuhan City Health Commission, isang 69-taong gulang na lalaki ang ikalawang biktima.
Anila, nagsimulang magkasakit ang lalaking biktima noong Disyembre 31 at lumala ang kondisyon nito matapos lamang ang limang araw kung saan nagkaroon ito ng pulmonary tuberculosis at nasirang mga multiple organs.
Sa pinakahuling tala ng China authorities, 41-tao na ang tinamaan ng pneumonia bunsod ng hindi pa natutukoy na bagong virus sa kanilang bansa.
Labingdalawa (12) na sa mga ito ang gumaling na at nakalabas na ng ospital habang lima ang nasa seryosong kondisyon.
Nakitaan na rin ng kaparehong kaso sa Thailand at Japan.