Kinatigan ng Korte Suprema ang naging hatol ng Court of Appeals (CA) na pumapabor sa desisyon ng Mababang Korte matapos payagan magpiyansa ang dalawang lalaki na may kasong rape sa Davao City.
Ayon sa ikalawang dibisyon ng Supreme Court, mahina ang ebidensyang inilatag ng prosekusyon laban sa mga akusadong sina Christian Joy Escandor at Jufil Pacatang na umano’y gumahasa sa isang alyas Mary noong 2018.
Kung pagbabasehan umano ang testimonya ng biktima ukol sa insidente ay hindi malinaw kung paano ginahasa at hindi rin napatunayan kung may naganap na puwersa at pananakot.
Dahil dito, ayon sa mga Mahistrado, tama lamang ang hatol ng Appellate Court at Mababang Korte nang payagan nitong makapaglagak ng piyansa ang mga akusado.—sa panulat ni Hya Ludivico