Dalawang lalaking sangkot umano sa pagbulsa sa P6 na milyong pisong halaga ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na naapektuhan ng super typhoon Yolanda ang inaresto ng National Bureau of Investigation o NBI.
Kinilala ng NBI ang mga suspek na sina Engineer Desiderio Estinozo at Nestor Lehetemas, na nasakote sa Malate, Maynila.
Ayon sa NBI, hinack ng dalawa ang mga email addresses ng Philippine Partnership for the Development of Human Resources in Rural Areas at Fundacion Intered na nangalap ng pondo para sa rehabilitasyon ng mga nasirang paaralan, day care center, health center at capacity building interventions sa Guiuan, Eastern Samar.
Inilipat nina Estinozo at Lehetemas ang pera sa account ng DTE Construction and Development Corporation sa Cebu City.
Agad dinala ang mga suspek sa NBI Anti-Fraud Division kung saan isinailalim sa booking process, kinunan ng mugshot, fingerprint at sinampahan ng kasong estafa sa Department of Justice o DOJ.
By Drew Nacino