Arestado ang dalawang hinihinalang supplier ng illegal na droga matapos ang ikinasang buy-bust operation ng otoridad sa lungsod ng Navotas.
Ayon kay Navotas Police Chief Colonel Dexter Ollaging, nasamsam mula sa mga suspek na sina John Michael Esguerra at Jojian Laride ang mahigit kalahating kilo ng hinihinalang shabu at nagkakahalaga ng mahigit tatlong milyong piso (P3.5-M).
Aniya, matagal na nilang pinaghahanap ang dalawang suspek na dating nakulong sa kasong may kinalaman rin sa droga.
Dagdag pa niya, sina Esguerra at Laride ang itinuturong supplier ng dalawang naaresto ng otoridad sa hiwalay na operasyon kung saan online umano ang kalakaran ng mga suspek sa bayaran ng mga droga.
Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.—sa panulat ni Airiam Sancho