Nahaharap ngayon sa reklamong pambubugbog ang dalawang lalaki matapos ireklamo ng kanilang sariling asawa sa Brgy. San Manuel, Puerto Princesa City.
Kinilala ang isang inireklamo na si alyas Rodel 37-anyos na nanakit umano sa kaniyang kinakasama na si Marites Dela Peña 40-anyos na nagtamo ng mga bukol sa ulo at sugat sa leeg.
Base sa imbestigasyon ng mga otoridad, magkasamang nag-inuman ang dalawa kung saan, naunang umuwi si alyas Rodel sa kanilang bahay.
Dito na nagselos ang suspek at natagpuan nalang ng mga otoridad ang kaniyang kinakasama na duguan at umiiyak.
Samantala, isang insidente din ng pananakit ang naitala sa Purok Buhanginan sa Brgy. San Manuel kung saan sinuntok umano ng isang mister ang kanyang misis sa mukha.
Ayon sa lalaking suspek, sinundo siya sa inuman ng kaniyang asawa pero hindi siya sumunod.
Dito na siya pinaghahampas ng kaniyang asawa dahilan para siya ay gumanti sa kaniyang asawa.
Inihahanda na ng mga otoridad ang isasampang reklamo ng mga biktima laban sa mga akusado. —sa panulat ni Angelica Doctolero