“Gulat” ang nagiging unang reaksyon ng isang tao kung malaman niyang nanakawan siya. Ngunit tila nabaligtad ang sitwasyon sa isang insidente sa Naga, Camarines Sur dahil imbes na biktima ang magulat sa tangkang pagnanakaw, ang mga suspek pa mismo ang nasorpresa nang biglang nagsalita ang may-ari ng bahay sa CCTV!
Pasado alas kwatro ng madaling araw, nakita ang dalawang lalaki na nag-aaligid sa labas ng isang bahay. Maya-maya pa, pumasok ang mga ito sa target nilang bahay.
Agad nilang napansin ang CCTV rito, kaya naghubad ang isang lalaki at ginamit ang kanyang damit bilang pantakip sa mukha; habang nagsuot naman ng hoodie ang kasamahan nito.
Pinatay nila ang mga nakabukas na ilaw sa loob ng bahay, at saka gumamit ng flashlight upang makita ang mga gamit sa sala.
Ilang saglit pa, biglang nagsalita sa CCTV ang may-ari ng bahay na live pa lang pinanonood ang mga nanloob dito!
Nang mabatid ng isang lalaki na boses ng may-ari ang kanyang narinig, tinawag niya ang kanyang kasamahan at doon na sila kumaripas ng takbo papalayo sa bahay.
Ayon sa ulat, isang combat engineer sa America ang lalaking nagsalita sa CCTV. Na-access niya ito sa pamamagitan ng internet.
Wala namang nakuhang gamit ang mga suspek mula sa bahay. Naiulat na rin sa pulisya at barangay ang nangyari at pinapaigting na ang seguridad sa lugar.
Napigilan man sa pagkakataong ito ang tangkang pagnanakaw, dapat pa ring tiyakin na protektado at hindi madaling pasukin ang bahay natin upang maiwasan ang ganitong insidente.