Tiwala ang militar na patay na ang mga lider ng Abu Sayyaf Group na sina Furuji Indama at Hatib Hajan Sawadjaan.
Ito ang inihayag ng Western Mindanao Command (WesMinCom) kasunod ng pagkakapatay sa Abu Sayyaf member na nakilala lamang bilang alyas Botak.
Ayon kay WesMinCom Spokesman Lt/Col. Alaric Avelino Delos Santos, nakita mismo ng mga sundalo na malubhang nasugatan si Indama sa kanilang naging engkuwentro sa Zamboanga Sibugay nitong Setyembre.
Gayunman, pilit pa rin itong sinagip ng kanyang mga kasamahan hanggang sa maitago sa kabila ng matinding putukan.
Sa hiwalay na panayam, kapwa naman kinumpirma nila Army Chief Lt/Gen. Cirilito Sobejana at WesMinCom Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan na patay na si Indama batay na rin sa mga impormasyong kanilang nakalap. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)