Tiwala ang militar na patay na ang lider terroristang si Furuji Indama sa kanilang pinaigting na opensiba sa Zamboanga Sibugay noong isang buwan.
Ito ang inihayag ng Western Mindanao Command (Wesmincom) kasunod ng pagkakapaslang sa Abu Sayyaf member na nakilala lamang sa alyas na Botak nitong HUWEBES.
Ayon kay Wesmincom Chief Lt/Gen. Corleto Vinluan Jr., batay sa mga nakalap nilang imporasyon at masusing pagsisiyasat ay nakumpirma nilang wala na nga si Indama.
Bagama’t hindi nakita ang labi ni Indama, kitang kita mismo ani Vinluan ng mga sundalong nakabakbakan ng mga bandido na napuruhan ang lider terrorista sa kanilang engkuwentro.
Gayunman, hindi inabandona ng kaniyang mga tauhan si Indama at pilit pa rin itong sinagip hanggang sa maitago sa kabila na rin ng matinding palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig.
Samantala, inihayag din ni Wesmincom Spokesman Lt/Col. Alaric Avelino Delos Santos na kasalukuyang bina-validate din ng militar ang pagkakapaslang sa isa pang lider terrorista na si Mundi Sawadjaan na nasa likod ng serye ng pambobomba sa Jolo, Sulu.