Aabutin pa ng dalawang linggo bago makumpirma ng Department of Health (DOH) kung nakapasok na nga ba sa Pilipinas ang bagong variant ng COVID-19 na unang nadiskubre sa United Kingdom.
Ayon kay Philippine Genome Center Executive Director Dr. Cynthia Saloma, kanilang tinitignan ngayon ang samples mula sa mga pasyenteng na-ospital dahil sa COVID-19 nitong Nobyemre at Disyembre.
Posible aniyang malaman ang resulta ng kanilang pag-aaral sa unang linggo o kalagitnaan pa ng Enero.
Gayunman, binigyang diin ni Saloma na dapat pa ring paghandaan ng publiko ang posibleng pagpasok sa bansa ng bagong COVID-19 variant na mas mabilis kumalat o makahawa.
Aniya, dapat lamang na higpitan ang pagbabantay sa mga borders o hangganan ng bansa.