Isinailalim sa Extreme Localized Community Quarantine (ELCQ) ang dalawang lugar sa Muntinlupa City bunsod ng tumataas na bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 doon.
Ayon kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, sa pamamagitan ng executive order ni Mayor Jimmy Fresnedi ay ikinasa ang 14-day localized lockdown sa Cruzero Street, Villa Carolina 1 sa Barangay Tunasan at 124 Purok 1 sa Barangay Cupang.
Batay naman sa rekord ng City Health Office, nakapagtala ito ng mataas na transmission rate na 57 persons per 1,000 people mula Pebrero 27 hanggang Marso 6 sa Cruzero Street habang 150 per 1,000 people naman ang attack rate sa 124 Purok 1 sa kaparehong panahon.
Samantala, nagpatupad na rin ng lockdown sa Barangay Pio del Pilar (District 1) sa Makati City upang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon sa naturang lugar.