Tinatayang aabot sa dalawang milyong deboto ng Poong Itim na Nazareno ang makikilahok sa taunang traslacion sa mahal na poon bukas, Enero 9.
Kasunod nito, walang tigil ang panawagan ng Manila Police District o MPD sa mga lalahok na iwasan na hangga’t maaari ang pagdadala ng mga mamahaling kagamitan sa okasyon.
Sa programang Pulis At Your Service sa DWIZ, sinabi ni Manila Police District o MPD Director Chief Superintendent Joel Coronel na hindi rin nila hinihimok ang mga deboto na magsama pa ng mga bata sa traslacion.
Hinikayat din nila ang mga magpupunta sa naturang okasyon na transparent sa halip na mga malalaking bag ang kanilang dalhin upang hindi na aniya maging pahirapan pa pagdating sa security inspections.
“Kaya po pinapayo namin hindi pa nagsisimula ang procession sa lahat ng mga deboto at lalahok dito na huwag nang magsuot ng mga mamahaling alahas o mga bagay na maaaring makaakit sa ibang tao, mga gadgets, mga cellphones, nakiki-usap din po tayo na hangga’t maaari ay huwag nang isama ang mga bata, lalong-lalo na ang mga sanggol para sa kaligtasan nila at para hindi mawawala, pero again meron tayong mga command post along the way, kung sakaling may insidente ng snatching, pit pocket, at kung anuman na krimen na mangyayari handa nating tugunan yan, kasama na ang mga nawawalang bata, puwede natin doong i-turn over.” Pahayag ni Coronel
(Pulis At Your Service Interview)