Umabot na sa mahigit dalawang milyong manggagawa ang nasa floating status dahil sa pandemya bunsod ng COVID-19.
Batay sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), nagmula ang mahigit dalawang milyong mangagawa sa 96,000 establisyemento o kompanya na naapektuhan ng pandemya.
Dahil kasi sa pagkalugi napilitan ang ilang kumpanya na magpatupad ng forced leave o pansamantalang pagsasara.
Ayon kay Labor Undersecretary Benjo Santos Benavidez, pinapayagan naman ng batas na magpatupad ang mga kumpanya ng floating status kailangan lamang na tiyakin na hindi ito lalagpas ng anim na buwan.
Kapag lumagpas na umano sa anim na buwan ang floating status ng isang manggagawa, dapat na itong ibalik sa trabaho o kaya ay sibakin at bayaran ang separation pay.
Ngunit dahil sa unti-unti nang binuksan ang ekonomiya ng bansa, inaasahan na umanong mababawasan ang bilang ng mga manggagawang nasa floating status.