Inaasahang dalawang (2) mahahalagang panukalang batas ang agad na ipapasa ng Kamara de Representantes sa pagbabalik ng sesyon ng Kongreso sa Lunes, Nobyembre 4.
Ayon kay House majority leader Martin Romualdez, kabilang sa mga nakatakdang talakayin sa ikatlo at huling pagbasa ang joint resolution para sa pagpapalawig ng validity ng 2019 budget hanggang December 31, 2020.
Gayundin ang panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan elections na nakatakdang ganapin sa Mayo ng susunod na taon.
Dagdag ni Romualdez, target din nilang matalakay at agad na maaprubahan ang joint resolution na nagbibigay kapangyarihang magamit na pambili ng mga palay mula sa lokal na magsasaka ang pondo sa rice subsidy sa ilalim ng 2019 national budget.