Maaari nang maihabol ng Senado ang pagpasa sa dalawang mahalagang panukalang batas bago mag-break ang sesyon ng Kongreso bukas.
Ito ay makaraang sertipikahan ng Pangulong Rodrigo Duterte bilang urgent ang Universal Health Care Bill at Rice Tariffication Bill.
Kaugnay nito, sinabi nina Senate President Tito Sotto at Senate Majority Floorleader Juan Miguel Zubiri na maaari na nilang aprubahan sa 3rd and final reading ngayong araw ang nabanggit na mga panukala ng hindi na kailangang sundin ang 3-day rule.
Kahapon ay nakipagpulong ang liderato ng Senado sa Pangulo kung saan ay kanilang hiniling na sertipikang urgent ang nabanggit na mga mahalagang panukalang batas bagay na agad namang pinagbigyan ng Pangulo.
Ang Universal Health Care Bill na ini-isponsoran at idinidepensa sa plenaryo ni Health Committee Chairman JV Ejercito ay naglalayong matiyak na magkaroon ng access lahat ng mga Pinoy sa mahusay at malawakan na serbisyong pangkalusugan.
Habang ang Rice Tariffication Bill na ini-isponsoran naman ni Senate Committee on Agriculture Chairman Cynthia Villar ay naglalayong matiyak ang pagkakaroon ng sapat na supply ng bigas at abot kayang presyo nito.
Isa ito sa nakikitang paraan para maibsan o mapigilan ang pagtaas ng inflation sa bansa.
Kahapon maraming panukalang batas ang naaprubahan ng Senado sa 3rd and final reading, kabilang dito ang 300 porsyento na dagdag sa monthly old age pansion ng Filipino war veterans kung saan mula sa P5,000 ay magiging P20,000. Pasado na rin ang bill ukol sa PNP rank classification at lusot na rin ang panukalang batas ni Senator Ejercito hinggil sa paglikha ng Department of Housing.
—-